Naaalala ko pa noong bata pa kami, mayroon kaming kapit bahay na magandang babae, mahinhin, tahimik at pino ang kilos, higit pa dito ay may sariling sasakyan at maalwan ang klase ng pamumuhay gayong hindi naman nagta-trabaho. Mayroon siyang isang anak na batang lalake ngunit misteryo sa buong kapit bahayan kung sino at ano ang itsura ng asawang lalake .
Sa ilang linggo naming pagpupuyat noong panahon ng bakasyon sa eskwela ay natyempuhan namin ang misteryosong lalake, kami ay nagulat dahil kilalang kilala siya ng buong bayan, ang mismong Punong Bayan o Mayor. Ang aming punong bayan ay may misteryong itinatago, “napakagandang misteryo” na minsan sa buhay ko ay naging parte ng pag gising ng aking kamalayan sa pagnanasa (oooppss! ibang kwento po ito, ha ha!). Ang misteryong maaari “daw” sumira sa kanyang career. Ngunit gaano nga kaya katotoo ito?
“Querida”- salitang espanyol na sa tamang bigkas ay “kare-EE-sah” na ang tunay nakahulugan ay “beloved”, “darling”, ngunit ang masamang kahulugan sa pandinig ng mga Pilipino ay ganito…
Kerida- kabit, taksil, at “the other woman” , ang magandang kahulugan ng salitang ito ay napalitan ng hindi ka nais nais na interpretasyon. Hanggang ngayon ay hindi malinaw kung bakit ang salitang ito ay naging negatibo ang imahe gayong kay gandang salita at kay sarap bigkasin.
Idagdag pa natin ito, Querida- ang babaeng nagpapanggap na asawa, ang mang-aagaw, ang immoral, ang babaeng gamit ang kagandahan o katawan upang yumaman at iba pang pangit na kahulugan ng babaeng hindi umaayon sa imahe ng “malinis” na babae sa depenisyong Filipino. Ang klase ng babaeng hindi katanggap tanggap sa kumunidad at sa mismong pamilya, ang maruming babae na hindi nararapat bigyan ng respeto at pag-galang. Ngunit may katawa tawang sitwasyon ang Querida System na hindi nabibigyang pansin.
Dahil sa walang diborsyo sa Pilipinas, normal na ang Querida System sa kumunidad, ang babaeng hiwalay sa asawa na nakikisama sa iba, ang dalagang pumatol sa hiwalay sa asawang lalake at mga pagkakataon parehong hiwalay sa legal na asawa ang babae at lalake. Ang mga sitwasyong katulad nito ay hindi tinutuligsa ngunit ang isang sitwasyong laganap sa mga “Machong Pinoy” na nanatiling kabuuang pananaw sa querida system ay ang lalakeng nananatiling aktibo ang pagsasama sa legal na asawa, ngunit may palihim at patagong inuuwiang Querida na maaaring ilang beses sa isang lingo o buwan, sa oras na mahuli ito ay “eskandalo” ang patutunguhang eksena lalo pa nga kung ang lalake ay isang opisyales ng gobyerno o kaya naman ay nanunungkulang sibil.
Ang pagkakadawit sa ganitong klase ng sitwasyon ay maaaring magbigkis sa kanya sa pag kakaroon ng tatak “immoral” sa mata ng publiko na makasisira sa kanyang career dahil maaaring gamitin ito ng kalaban upang siya ay pabagsakin. Ngunit sa ngayon ay hidni na masyadong nakaka-apekto ito dahil na rin sa isa pang nakatatawang mentalidad na “noon yun, hindi na ngayon” dahil nagiging normal na ito sa paningin ng taong bayan.
Hindi rin naman maitatatwa na kahit tsuper, karpentero, tindero ng balut o mga lalakeng halos ang kita sa paghahanap buhay ay sumasapat lamang sa pang araw araw na gastusin ay may itinatagong mga kabit at pagkahilig sa babae dahil na rin sa kaakibat ng pagiging macho. Ang kakaibang nakatutuwang epekto pa nito ay kung magkaroon ng anak ang Querida ay na ngangahulugan ito ng mas mahigpit na kapit sa lalake upang tustusan silang mag-ina, sure income kumbaga, maaari nga na hindi derektang suportahan ng lalake ang kabit ngunit ang anak ay obligadong bigyan.
Ang “kalokohan” ng mga kalalakihan ay halos tanggap na rin ng sosyalidad ng Pilipino, basta lalake ay malayang maging adbenturero sa kanyang sekswal na pananaw hindi katulad ng limistayong mayroon ang kababaihan na hindi maaari ang ganitong gawain, isa marahil ito sa pagpapatunay na hindi talaga parehas ang mundo ng babae at lalake sa ating bansa.
Teka, bago ko makalimutan… base sa karanasan, ang isang mabigat na parusa na natatangap ng lalake mula sa asawang babae kung ito ay nahuli na may kabit o may ibang babae ay ang tinatawag na “outside de kulambo” at hindi maaaring makipagtalik ang lalake sa asawang babae hangga’t hindi pa humuhupa ang galit ng babae na tila ba hindi ito magiging dahilan para ulitin ni lalake ang maghanap ng ibang babae upang mairaos ang init ng katawan! Haayyy naku!.. ahh ewan… bahala na po kayong humusga!