Tag Archives for Macho

Ang Machong Pinoy

Modernong Maria Claras?

Hindi ko alam kung kailan at saan ito nagsimula ngunit ang kaugaliang nakapaloob sa atin tungkol sa pagiging “Macho” ng kalalakihan ay maaaring ipatungkol lamang sa “tikas ng pagkalalake at makarami ng naging babae”. Isa rin itong dahilan kung bakit mas madalas na nagiging irresponsable ang isang lalake bilang ama at asawa, ngunit lalakeng lalake naman sa mata ng pinaiikutang sosyalidad. Bakit? Dahil magiging lalake daw ang isang lalake kung magkakaroon ito ng asawa at anak at “mas” kung ito ay magkakaroon ng “kabit” at mga anak sa “labas”!

Sa tuwing pag uusapan sa mga umpukan at kwentuhan ang pagiging “macho”, madalas na pumapasok sa usapin ang “ander de saya” ang kabaliktaran ng pagiging macho. Dahil bilang macho, kailangan mong maging mas mataas, matigas, matatag at may isang salita sa pamilya, kailangan ang asawang babae ay laging nakayuko sa lalake at gayun din ang mga anak na babae, ang salita ng lalake ay batas sa loob ng pamamahay na hindi maaaring mabali ngunit ang mga anak na lalake naman ay sinasanay sa ugaling kapareha ng sa ama, bilang superior sa kababaihan.

Kung ang isang lalake ay tahimik sa asawa, mahinahon, walang kabit at lalo na kung walang trabaho at babae ang nag hahanap buhay, malamang ay tampulan na ng tukso bilang si “Andres, ang butihing maybahay!”. Andres ang tawag sa lalakeng may taguring ander de saya, ang lesser man at kasalungat ng lalakeng macho, isang kahihiyan sa lahi ng mga kalalakihan at kahihiyan sa pinanggalingang angkan. Damay kasi ang buong angkan kung ang lalake ay mabansagang Andres.

Ang mga kababaihan naman ay tila kabaliktaran ng pananaw sa mga kalalakihan, inaasahan na mananatiling birhen ang babae hanggang sa araw ng kanyang kasal samantalang ang lalake sa katotohanan ay buong laya ang karapatan na makipagtalik sa kahit sinong babae na maaari niyang makatalik dahil parte ito ng pagiging lalake. At dahil din dito kaya naman ang mga kababaihan ay mas madalas na sinasamahan o pinasasamahan ng alalay o tsaperon. Hindi maaaring sumama sa party na walang kasama o wala ang kapatid na lalake kung mayroon man.

Isa pang nakakatawa nito ay kung ang ama ay walang anak na lalake at puro babae o mas marami ang anak na babae kaysa lalake, siguradong “pambayad utang” ang itataguri sa mga anak na babae kaya naman mas lalong maghihigpit ang ama sa mga anak. Pambayad utang dahil pinaniniwalaang ito ang ganti sa kanyang pagiging irresponsable sa pambabae noon o maging sa kasalukuyan na sa maikling salita ay kailangan namang proteksyunan ng ama ang mga anak sa mga lalakeng kagaya niyang macho.

Sa ngayon ay natututo na rin ng paunti unti at dahan dahan ang ating mga kababayan na hindi na applicable ang ganitong pananaw o kaugalian sa kasalukuyan dahil narin sa pagbubukas ng mga uportunidad para sa mga babae na maging kapantay ng mga lalake sa kahit na anong larangan. Totoo nga kaya?